Summary: Ang Biblia ay nagsisimula sa Diyos. Ang Genesis 1:1–5 ay hindi lamang tungkol sa paglikha ng mundo—ito rin ay pasimula ng ating pagkaunawa kung sino ang Diyos: Siya ay makapangyarihan, may layunin, at lubos na nasa kontrol ng lahat ng bagay.

Ang Biblia ay nagsisimula sa Diyos. Ang Genesis 1:1–5 ay hindi lamang tungkol sa paglikha ng mundo—ito rin ay pasimula ng ating pagkaunawa kung sino ang Diyos: Siya ay makapangyarihan, may layunin, at lubos na nasa kontrol ng lahat ng bagay. Sa loob lamang ng limang talata, ipinakita ang Kanyang awtoridad, ang kapangyarihan ng Kanyang salita, at ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng liwanag at kadiliman. Paalala ito sa atin na ang lahat ay nagsisimula sa Diyos, at kung hiwalay tayo sa Kanya, ang natitira ay kaguluhan, kadiliman, at kawalang anyo.

Text: Genesis 1:1–5 (KJV)

1 In the beginning God created the heaven and the earth.

2 And the earth was without form, and void; and darkness was upon the face of the deep. And the Spirit of God moved upon the face of the waters.

3 And God said, Let there be light: and there was light.

4 And God saw the light, that it was good: and God divided the light from the darkness.

5 And God called the light Day, and the darkness he called Night. And the evening and the morning were the first day.

I. Sa Simula, Diyos (Genesis 1:1)

“In the beginning God created the heaven and the earth.”

Wala nang mas dakilang paraan upang simulan ang Banal na Kasulatan kundi sa ganitong simple, ngunit makapangyarihang pahayag: “In the beginning God...” Ipinapakilala sa atin ng Diyos ang Kanyang sarili bilang pasimula ng lahat ng bagay. Sa isang iglap, tinanggal ng bersikulong ito ang lahat ng uri ng ateismo, agnostisismo, at naturalismo. Walang lugar ang ideya ng “walang Diyos” sa isang talatang malinaw na nagsasabing Siya ang may akda ng lahat.

Hindi sinimulan ng Biblia ang sarili sa pamamagitan ng patunay ng pagkabuhay ng Diyos. Hindi Niya kailangang ipagtanggol ang Kanyang sarili. Hindi rin ito isang palaisipan. Ipinapahayag lang ng Salita ng Diyos: “In the beginning God…” Sa lahat ng simula, Siya ang simula.

Minsan sa ating buhay, hinahanap natin kung saan tayo magsisimula. Paano aayusin ang pamilya, paano makakabangon mula sa kasalanan, paano mabubuhay ng may direksyon. Ang sagot ay ito: “Sa simula, Diyos.” Ang lahat ng tunay na simula ay nagmumula sa Diyos. Walang matuwid na paglalakbay kung hindi Siya ang umpisa. Kaya kung magpapasimula ka ng bagong kabanata sa buhay mo, gawin mong batayan ang Diyos.

Hindi lang Siya pinagmulan, kundi Siya rin ang Maylikha: “created the heaven and the earth.” Walang ibang puwersa, nilalang, o pangyayari ang lumikha ng lahat—kundi ang Diyos. At anong kapangyarihan ang ginamit Niya? Hindi Kanyang mga kamay, hindi mga kasangkapan, kundi ang Kanyang Salita. Isang salita lang mula sa Diyos, at ang buong kalawakan ay nabuo.

Napakahalaga nito sa atin. Sa panahong puno ng duda at pagsubok, kailangan natin ng paalala: Ang Diyos na lumalang ng langit at lupa ay Siya ring may hawak ng ating mga buhay. Kung kaya Niyang likhain ang mundo mula sa wala, kaya rin Niyang buuin muli ang ating sirang puso. Kaya Niyang ayusin ang ating wasak na pamilya. Kaya Niyang bigyan ng liwanag ang ating madilim na kaluluwa.

II. Walang Anyo, Walang Laman, Walang Liwanag (Genesis 1:2)

“And the earth was without form, and void; and darkness was upon the face of the deep…”

Ito ang kalagayan ng mundo bago ito hinipo ng Kanyang kaayusan. Mapapansin natin ang tatlong katangian: without form, void, at darkness. Ito ay larawan ng kaguluhan, kawalan ng direksyon, at kadiliman. Hindi ba’t ito rin ang larawan ng buhay ng isang taong hiwalay sa Diyos?

Kapag ang isang puso ay hindi binago ng Diyos, ito’y walang anyo—hindi niya alam kung ano ang kanyang layunin. Walang laman—puno ng kawalang saysay, kahit anong gawin ay parang kulang. Puno ng dilim—hindi makita ang tama sa mali, ni ang landas na dapat lakaran.

Ngunit huwag nating palampasin ang sumunod na linya:

“And the Spirit of God moved upon the face of the waters.”

Ano mang kadiliman, ano mang kaguluhan, ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos. Hindi natakot ang Espiritu ng Diyos sa dilim. Hindi Siya lumayo sa kaguluhan. Sa halip, Siya’y gumalaw—gumawa ng paraan upang magkaroon ng kaayusan.

Kung ikaw man ngayon ay dumaraan sa mga sandaling pakiramdam mo’y magulo ang buhay mo, tandaan mo: ang Espiritu ng Diyos ay hindi malayo. Siya’y nariyan, tahimik mang kumikilos, ngunit laging handang magdala ng pagbabago.

III. Liwanag sa Kabila ng Kadiliman (Genesis 1:3–5)

“And God said, Let there be light: and there was light.”

“And God saw the light, that it was good: and God divided the light from the darkness.”

Sa unang pagkakataon, narinig natin ang tinig ng Diyos: “Let there be light.” At sa isang saglit, ang dilim ay napawi. Isang utos lamang mula sa Diyos, at may liwanag. Ganito rin ang kapangyarihan ng Kanyang Salita sa ating buhay.

Hindi ba’t ang puso ng tao ay nasa kadiliman dahil sa kasalanan? Ngunit sa pagbasa ng Salita ng Diyos, may kakaibang liwanag na bumabalot sa ating kaisipan. Ito ang liwanag ng pag-asa, katotohanan, at kaligtasan.

“And God saw the light, that it was good…”

Ang Diyos ang tumatasa ng tama at mabuti. Hindi ang tao. Sa panahon ngayon na ang mali ay tinatawag nang tama, at ang tama ay tinatawag na paniniil, paalala ito: ang Diyos pa rin ang nagsasabi kung ano ang mabuti. At ang liwanag—ang katotohanan ng Kanyang Salita—ay palaging mabuti.

“And God divided the light from the darkness.”

Ang Diyos ay Diyos ng paghihiwalay. Hindi Niya pinagsasama ang liwanag at dilim. Hindi Niya pinapayagan ang kompromiso. Kaya kung ikaw ay anak ng liwanag, hindi ka na dapat mamuhay sa kadiliman. Hindi mo na dapat tinotolerate ang kasalanan. Ang Diyos ay hindi Diyos ng kalituhan. Gusto Niya ng malinaw na pamumuhay, malinaw na pagsunod, at malinaw na pananampalataya.

“And the evening and the morning were the first day.”

Ito ang simula ng lahat ng bagay—at ito rin ang paanyaya ng Diyos: Hayaan mong simulan Niya ang liwanag sa iyong buhay ngayon. Kung ang mundo ay nagbago sa unang utos Niya, hindi ba’t mas kayang baguhin ng Diyos ang puso mong pagod, magulo, at madilim?

Konklusyon: Sa Simula, Diyos

Kung babalikan natin ang lahat ng ating napag-aralan, malinaw ang mensahe: Ang simula ng lahat ay ang Diyos. Ang buhay na walang Diyos ay magulo, walang anyo, at puno ng dilim. Ngunit sa Kanyang salita ay may liwanag, may ayos, at may layunin.

Kapatid, kung gusto mong maranasan ang bagong simula, simulan mo sa Kanya. Basahin mo ang Kanyang Salita. Ipagkatiwala mo ang iyong buhay sa Kanyang kalooban. Lumakad ka sa liwanag ng Kanyang katotohanan. Tandaan mo: “In the beginning God…” Hangga’t Siya ang iyong simula, hindi ka maliligaw.

Panalangin

O Diyos naming Makapangyarihan,

Salamat sa iyong Salita na maliwanag pa sa araw. Salamat sa paalala na sa Iyo nagsisimula ang lahat ng bagay. Patawarin Mo kami kung minsan kami’y gumagawa ng sariling simula, hiwalay sa Iyo. Linisin Mo ang aming mga puso, at tulungan kaming lumakad sa liwanag ng Iyong katotohanan. Nawa sa bawat araw ng aming buhay, masabi naming: “Sa simula, Diyos.”

Sa pangalan ni Jesus,

Amen.

This sermon is an original work written and prepared by Pastor Jephthah Fameronag, Faith Baptist Church and Mission, Philippines. All rights reserved for personal, teaching, preaching, and gospel-sharing purposes only. Proper attribution is required for reproduction, citation, or distribution. Not for commercial sale or unauthorized publication.

Copyright © 2025 – Pastor Jephthah Fameronag