Summary: Huwag Maging Negatibo (Short Sermon)

Philippians 4:8

Katapustapusan, mga kapatid, anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.

Kasabihan sa "english", "think positive!" Iba nga naman ang nagiisip ng laging positive o may pagasa sa buhay. Hindi ba kaysarap makausap ang mga taong may "positive outlook" kaysa kagaya ng karamihan ng mga tao na walang bukang bibig kundi puro negatibo?

Kadalasan naririnig ko sa mga kasama ko dati sa trabaho nuong nag sisimula pa lang ako.

"Sweldo na naman, yes!" Sabi ko sa mga kasama ko na feeling excited. Tapos sasagot yung iba kong kasama "Oo nga noh, dadaan lang sa palad natin parang walang nangyari" Hindi ba pati ikaw ay malulungkot dahil sa ganung pananaw? Maiisip mo tuloy oo nga no?

O di kaya naman nag paplano ka para sa kaayusan ng mga bagay bagay at nakita mo ang mga benepisyo nito ay sa ikaaayos para sa lahat, ngunit ang iba ay negatibo agad ang pananaw? Kesyo baka gamitin sa hindi maganda, kesyo baka manakaw at mapunta sa iba at baka kung ano gawin nila? O kung ano pa mang negatibong kadahilanan.

Para saan pa ang pagtitiwala natin sa Dios kung ang lahat ng bagay na katotohanan, mga bagay na kagalanggalang, mga bagay na matuwid, mga bagay na malinis, mga bagay na kaibigibig, mga bagay na may mabuting ulat at alam natin na may kagalingan at may kapurihan, ay pagiisipan kaagad natin ng mga pagdududa at pagiging negatibo hindi baga nawawala sa atin ang pagtitiwala sa Dios na tumawag sa atin sa kabanalan at sa kaligtasan? Hindi ba nababawasan ang ating pagiging mananampalataya? Ang pagigi nating cristiano? Hindi ba ang pagiging cristiano ay bunsod ng pagtitiwala?

Panatilihin natin ang pagtitiwala (Pro 3:5) sa Dios sapagkat tinawag Niya tayo sa lubos na pagtitiwala, at kapalit ng pagtitiwala na iyon ay ang pagpapala na dulot ng ating pananampalataya (Jer 17:7), sapagkat Siya na mismo ang nangako na hindi nya tayo iiwan o pababayaan man (Heb 13:5)

Amen!